The Bit Player in Me

Ni sa hinagap hindi ko inakalang magkakaroon ako ng tsansang makapasok, kahit sandali lang, sa mundo ng entertainment industry. Kinuha ako para gumanap bilang reporter sa teleseryeng “Inday Will Always Love You” ng Kapuso Network. Ilang beses kong pinag-isipan bago ko tinanggap ang alok. Unang-una, wala akong karanasan sa pag-arte. Ikalawa, maiinip lang ako dahil alam kong kumakain ng oras ang taping. Pero nanaig sa akin ang kagustuhang maranasan ito. Wala naman sigurong mawawala kung susubukan.

Read Also: The Millennial Walwal

Mahigit isang dekada akong nagtrabaho sa telebisyon bilang field reporter. Bukod sa pangangalap ng balita, natutunan ko na rin ang tamang anggulo at pananamit sa harap ng camera. Pero iba ang makulay at makislap na mundo ng showbiz. Ibang-iba sa kinamulatan kong News and Public Affairs. Kung sa News, lagi akong nagmamadali para ihatid ang pinakasariwang balita. Dito, halos inugatan na ang binti ko sa kahihintay nang aking eksena.

Pero may mabuting naidulot ang paghihintay ko nang matagal. Sa paghihintay ko naisip na gawin ang artikulong ito. Hindi ako ang bida rito kundi ang mga kapwa ko ekstra sa teleserye. Ibang dedikasyon ang ipinamalas nila na talaga namang kamangha-mangha para isapubliko.

May pelikula na noon ang ‘Star for All Seasons’ na si Vilma Santos tungkol sa Ekstra o ‘The Bit Player’, kung saan ipinakita ang saya, lungkot, hirap at sakripisyo ng mga tinaguriang ‘Seen and Unseen Heroes of TV and Film Industry’. Binigyang-parangal at kinilala ito sa ilang international award giving bodies gaya ng New York Festivals.

Ala-una nang hapon nang dumating ako sa location. Naka-set up na roon at on going ang shoot. Pero pasado alas-tres nang tawagin kami ng ilang kapwa ko ring former reporters in real life na sina Mayumi Lugod at Jerald Uy para sa eksena namin. Ilang sequences din ang kinunan bago pansamantalang nag-break. Nakadaupang palad ko ang ilang ekstra sa teleserye. Nakilala ko si Tita Yolly. Posturang-postura sa kanyang gown. Kalalabas lang niya nang CR noon. Mukhang nagretouch ng kanyang make-up. Animo’y talaga bisita sa isang engrandeng pagtitipon. Ang eksena kasi noon – ang pagpapakilala sa bidang si Barbie Forteza bilang bagong CEO ng kumpanyang iniwan ng namayapa niyang ama na ginagampanan naman ni Ricky Davao.

Kuwento ni Tita Yolly, alas sais ng umaga raw ang kanilang call time. Taga Cavite siya kaya malamang mas maaga pa roon ang gising niya dahil kinailangan pa niyang bumiyahe papuntang location sa Quezon City. Bihasa na raw siya sa trabahong ganito. Katunayan, kagagaling lang din niya sa isa pang shoot. Hindi na raw niya iniinda ang pagod, puyat at gutom dulot ng matagal na paghihintay. Sanay na sanay na raw siya rito. Kahit pa habang nag-uusap kami, kitang nangungusap na ang mga mata niya sa antok.

Napag-usapan din namin ang TF o talent fee ng gaya niyang ekstra. Sabi ni Tita Yolly, may handler daw siya kaya may ‘cut’ o bawas pa sa kakarampot na lang niyang nakukuha. Hindi niya binanggit kung magkano. Pero ayon sa ilan pang nakausap ko, mataas na ang isang libong piso para sa buong araw na taping – as in literal na 24 hours. Mag-aalas onse na ng gabi ako umalis sa location pero naiwan pa rin sila roon dahil may mga eksena pa ring kukunan.

Hindi naman sila pinababayaan sa pagkain dahil may catering service. Saksi ako sa dami ng pagkain noong araw na naroon ako. Pero kuwento ng iba, may ilang pagkakataon na walang food provision sa kanila sa taping ng ibang programa. Kaya kailangan nilang magbaon ng sariling pagkain.

Read Also: How Pinoy Are You? 10 Common Pinoy Traits

Nakatutuwang isipin na kahit may edad na si Tita Yolly, game pa rin siya sa ganitong hanapbuhay. Mas OK na raw ito kaysa wala siyang ginagawa’t nakanganga lang sa bahay. Nalilibang na raw siya, nakakadaupang-palad pa niya ang mga iniidolo niyang artista.

Masaya akong naranasan ko ang buhay ekstra. Consolation na ring makita at makausap ko ang ilan sa mga tinitingala ko sa mundo ng showbiz gaya nina Ricky Davao, Manilyn Reynes, Tina Paner at Alma Concepcion.

 

Pero hindi lang mga ekstra ang dapat na bigyang-pagkilala sa isang produksyon. Special mention din sa mga taong nasa likod ng camera. Ibang klase rin ang dedikasyong ipinamamalas nila tuwing may shooting. Mula sa mga assistant, coordinators, writer-producers hanggang sa director – hindi mabubuo ang isang magandang palabas kung wala ang kanilang presensiya.

Sa totoo lang, walang maliit o malaking papel sa mundo ng showbiz. Lahat ng nagtatrabaho sa produksyon, may mahalagang tungkulin na ginagampanan para mabuo ang isang palabas. Hindi lang sa bida at kontrabida ang kinang ng programa. Mas dapat bigyang pansin ang mga tinaguriang ‘Unsung Heroes’ – ang mga ekstra at mga taong nasa likod ng camera!

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply