SUMMER BLOG 3: NANG GUMALA KAMI SA DARANAK FALLS: ISANG KAKAIBANG EXPERIENCE

Summer na naman! Sobrang init talaga ngayon kaya maganda na mag-bonding din kasama ang pamilya o mga barkada sa mga nakakapresko lugar. Uso ang mga beach at resorts sa ganitong panahon. Naalala ko tuloy noong gumala kami sa Daranak noong 2016.

Naisipan lang bigla ni mama na pumunta kami sa Daranak falls para maiba naman daw at hindi na mga resort ang madalas namin summer escapade, ika nga.

Dahil dito kami sa Rizal province nakatira, mas madali puntahan ang Daranak sa Tanay. Nagplano na kami kung kailan pupunta. Hindi mawawala ang mga pagkain at summer outfit namin para sa saglit na bakasyong ito. Sabi pa ni mama magugutom kami kaagad pagkaahon mula sa tubig kaya dapat mabibigat sa tiyan ang mga pagkain namin.

Excited kami lahat lalo na ako kasi unang beses ko makakapunta sa isang falls. Maaga kami nagbiyahe para makarating kaagad doon. Kaso nga lang, sobrang lawak ng Rizal. Sa isang parte ng Rizal, katabi na ng Marikina at sa kabila naman, tumbok na ng Laguna. Kaya mahigit isang oras pa rin ang biyahe namin mula sa amin hanggang sa Daranak.

Nang makarating na kami sa lugar, nahirapan kami makahanap ng parking. Aba! Halos lahat ng daanan meron na naka-park. Mabuti na lang meron nang paalis na. Siguro ayaw nila abutan ng tanghali o may iba pa silang pupuntahan. Dali-dali na namin binitbit ang mga baon naming pagkain at iba pang mga gamit papasok sa Daranak. Noong 2016, ang bayad pa sa Daranak Falls ay P50 para sa entrance fee. Hindi ko pa alam kung tumaas na ang bayad ngayong 2018. May iba’t-ibang mga kubo na pwede rin rentahan at depende sa laki nito ang babayaran.

Pagpasok namin, namangha ako agad sa ganda ng buong paligid. Walang binago ang mga namamahala sa lugar hindi kagaya ng mga madalas nating makita sa resort. Nagpatayo lang sila ng mga palikuran, lababo, at kubo. Walang mapapansin na pinatag na parte or pinutol na mga puno. Matataas ang mga puno kaya hindi rin gaano mainit kasi nasa ilalim ng silong ang halos buong lugar. May mga malalaki at maliliit na mga batuhang madadaanan sa paligid papunta sa mga kubo. Bigla ko naisip na magandang lugar ito para mag-shooting ng mga kwentong may kinalaman sa mga diwata at engkanto. Napangalagaan talaga ang kagandahan ng lugar. Halos nakakanganga na ako sa pagkamangha kasi ganun pala talaga kaganda ang kalikasan sa malapitan.

Medyo malaki ang buong lugar sa Daranak. Ang nahanap na naming kubo ay may kalayuan na mismo sa falls. Nasa tabi na kami ng sapa kung saan ang tubig ay galing sa Daranak Falls mismo. Ayun nga lang, medyo maligamgam na ang tubig doon banda.

Maya-maya lang, pumunta na kami sa falls. Habang papalapit kami sa falls, naririnig ko na ang iba’t-ibang tunog ng agos ng tubig. Meron malakas na pabagsak ang tunog at meron din naman mahihinang agos na dumadaloy na doon sa sapa kung saan kami nanggaling. Lalong lumalamig ang simoy ng hangin dahil mas marami puno ang nakapaligid malapit sa falls. Lalo ring lumalapad ang sapa at lumalamig ang tubig habang papalapit kami.

Ilang minuto lang, naroon na kami sa Daranak Falls mismo. Napakalamig ng tubig! Akala ko may naglagay ng yelo. Mas malamig tuloy kapag sinusubukan kong umahon dahil sa ihip ng hangin. Hindi na ako makalapit sa kung saan talaga bumabagsak ang tubig mula sa tuktok ng Daranak kasi sobrang lalim. Tanda ko pa nga may lubid na naghihiwalay doon sa medyo mababaw at abot ko pa at doon sa sobrang lalim na. Mapapansin na iba na ang pagka-bughaw ng kulay ng tubig sa mas malalim na parte. Mga marurunong lumangoy at may mga salbabida lang ang nakakalapit. Sa mga walang dalang salbabida, meron namang nagpaparenta doon. Sa sobrang lalim, may mga tumatalon pa mula sa,  mga 4ft din sa taas iyon sa gilid banda ng Daranak. Canyoneering ang tawag pala sa ganoon pagtalon. Napakapresko sa pakiramdam talaga lalo pa hindi kami naaarawan dahil maraming puno sa paligid.

Hindi nagtagal, nagkuhaan kami ng pictures sa paligid. Syempre millenial ako, mahilig ako magpost sa social media. Saka gusto ko rin kasi ipakita sa mga kaibigan at kakilala ko kung gaano kaganda ang Daranak Falls. Noong nakakaramdam na ako ng gutom, kumain na rin ako. Ang sarap na nakakamay pa ako kumain. Bumalik lang din ako sa falls para sulitin talaga ang pagpunta namin doon.

Nang mga bandang alas singko na, unti-unti nang dumidilim ang paligid. Walang overnight sa lugar dahil wala masyado ilaw na kinabit sa paligid.  Delikado at mahirap bantayan ang mga lumalangoy sa gabi. Siguro mga malapit na mag alas sais nang kami ay umuwi.

Tumingin ako ulit sa buong paligid at pinangako sa sarili kong babalik ako ulit dito. Bigla kong naisip na kakaiba talaga sa Daranak kasi:

Masaya mahulog sa malamig na tubig, hindi sa mga paasa;

Masaya makita malinaw ang tubig, hindi kagaya ng intension ng iba at;

Masaya na kahit mahirap at malayong puntahan, magbibigay ka talaga ng effort para dito, kasi alam mo mahalaga ang maranasang mag-enjoy sa ganito kagandang lugar.

Kaya kung gusto niyo rin ito maranasan, puntahan niyo na rin ang Daranak Falls sa Tanay, Rizal. Sigurado akong magiging sulit din ang pagpunta ninyo dito. 🙂

#CDMSummerBlog

Read Also:

SUMMER BLOG 1: REWARD YOURSELF THIS SUMMER

SUMMER BLOG 2: HARVESTING THE FRUITS OF MY LABOR

SUMMER BLOG 4: 7 THINGS THAT BATANES IS

SUMMER BLOG 5: I LEFT MY HEART AT THE CRYSTAL ISLANDS OF LA UNION

Rosella Jane “RJ” T. Vargas is a Christian by faith. She graduated from PUP-Manila with a degree in AB English. She is a freelance writer and an aspiring public speaker. 

Leave a Reply