Sipain Kaya Kita?

Habang ang kalahating populasyon ng mundo ay nababaliw at nakatutok sa nagpapatuloy na FIFA World Cup 2018 sa Russia, tayo namang mga Pinoy, eh nganga at nagpapatuloy sa buhay. Ang tanong, kailan kaya natin matitipuhan ang larong ito?

Read Also: The Philippines is a “Basketball Crazy Country”

Ball is life kasi ang karamihan sa ating mga Pinoy, kaya hindi ka na magtataka, maging sa mga malapit sa highway at kalsada, may mapapansin kang basketball court. Friendly game man o pustahan (pera o ice tubig), patok na patok talaga sa atin mga Pilipino ang mag-basketball. Ito nga ang minsang tinitira ng mga botante sa mga SK candidates noong Barangay Elections, puro pa-liga naman daw.

Eh ‘di ba, iilan lang ang may matatangkad sa atin? Bakit pa natin pinipilit? Dahil ba sa mga galaw nina LeBron James, Kyrie Irving, Stephen Curry at Michael Jordan kaya natitipuhan nating maglaro na dribble at tira lang sapat na? O, di kaya dahil sa “puso” mantra ng Gilas Pilipinas na kahit dehado na eh laban pa rin? Maraming dahilan, hindi natin mailalantad isa-isa, ang malinaw sa ngayon, ang basketball ay bahagi na ng kulturang Pinoy, kumbaga, hindi ka Pinoy kung hindi ka naglalaro minsan sa buhay mo.

Eh, yung football kaya? Madali lang naman laruin, sipain mo lang ang bola papuntang goal, ayun score na agad. Pero teka, bakit nagiging boring sa Pilipino ang larong football?

Dahil matagal daw maka-iskor, 90 minutes ang itinatagal ng laro, minsan nauuwi pa sa 0-0 ang final score at 11 na tao kada koponan, hindi ka nga talaga agad makaka-iskor, mapapagod ka lang kakatakbo, walang timeout eh.

Ano nga ba ang katangiang dapat taglayin ng isang manlalaro sa football? Pasensya ang pinaka-basic sa lahat, hindi ka nga makaka-iskor pero minsan ang mga kalaban mo ay magagawang agawin ang bola sayo na masasaktan ka, ikaw ba naman ang patirin ng kalaban mo. Isa pa, sa kahit anong pagtatangka mong ipasok sa goal ang bola, kailangan mo talaga ng mahabang pasensya, it takes time nga to score a goal. Long attention span, ika nga ng mga eksperto.

Hindi naman kaya ma-culture shock tayo sa football? Tandaan, noong mga unang dalawang dekada ng 1900s may isang player na nagngangalang Paulino Alcantara ang gumagawa ng kasaysayan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo sa larangang ito. Siya lang pamosong football player na kilala bilang tagasira ng net sa lakas ng kanyang tira. Naglaro na rin siya sa FC Barcelona sa Spain kung saan naglalaro ang football star na si Lionel Messi at di maikakaila na dinala niya sa golden age ang Pilipinas sa larangan ng football banda dekada 1910s.

Read Also: PUSO!: Filipinos and Basketball

Azkals? Naglipana naman sila nung 2010 hanggang ngayon, sila ang ating pambansang koponan sa football. Sumikat ang kanilang pangalan, ‘di lang dahil sa mga nagga-gwapuhang sina Phil at James Younghusband, Angel Guirado at Neil Etheridge, kundi sa kanilang mga laro na nagpasira sa mga puso ng mga kalaban at ikinagulat ng buong mundo. Kabilang na nga rito ang tinalo nila ang noo’y defending champions na Vietnam sa iskor na 2-0 noong 2010 AFF Suzuki Cup, sa homecourt pa mismo ng kalaban. At ngayon, isang kasaysayan na naman ang ginawa nila, na pagkatapos ng halos isang siglo, muling nagbabalik ang Pilipinas sa mundo ng football. Kasali sila sa prestihiyosong Asian Cup sa susunod na taon. Ipu-push na rin kaya ng Pilipinas ang pagsali sa World Cup?

Pero balik tayo sa katotohanan, mukhang hindi madali na sipain sila sa katotohanang may pag-asa tayo sa football gayung hindi naman kailangan ng tangkad sa larong ito. Tayong mga Pinoy kasi gusto natin ang instant sa lahat ng bagay, yung madali, walang kahirap-hirap.

Kaya sa mga susunod na henerasyon ng kabataan, turuan natin silang sumipa ng bola at mga maidudulot nito sa kanila. Higit sa lahat, sipain natin ang mga nasa gobyerno na suportahan ang larong ito kung talagang masasabi nating may pag-asa talaga tayo.

Leave a Reply