#SEPANX: NO to First Day Cry

Natatawa na lang ako tuwing maaalala ko kung ilang kurot sa singit ang inabot ko kay Mommy noong unang linggo ng klase ko sa Kindergarten. Ayaw ko kasing magpaiwan sa school. Iyak ako ng iyak. Kung anu-ano rin ang dahilan ko sa kanya para maka-eskapo lang ako sa klase. Nariyang masakit kunwari ang ngipin ko, minsan nama’y mahapdi kuno ang tiyan. Nakakatawang magbalik-tanaw. Pero ang naranasan kong ‘yan, isang seryosong paksa na madalas nababalewala.

Imbes na first day high, nagmimistulang first day cry ang pagbubukas ng klase para sa mga chikiting. Karaniwan nang eksena tuwing unang araw ng pasukan ang pag-atungal ng mga bata. Bukod sa walang tigil na pag-iyak, ang iba’y naglulupasay pa. Halos walang magawa ang teacher para ma-pacify sila. Kaya kung minsan, sinasamahan na lang ng magulang sa loob ng silid-aralan ang bata para kumalma.

Read Also: Bombs Cannot Stop Them from Learning

Tinatawag na separation anxiety o SEPANX ang ganitong kundisyon ng mga bata kung saan natatakot silang mahiwalay sa kanilang mga magulang. Senyales nito ang pag-iyak ng mga bata, pagkakaroon ng tantrums o bigla na lang naiihi sa salawal. Ayon sa mga child psychologist, normal ang ganitong reaksyon ng mga bata lalo na kung first-time student sila. Nasanay raw kasi silang nasa bahay lang at kapiling ang kanilang pamilya. Kaya tiyak na maninibago sa school environment.

May mga paraan naman daw para hindi ma-stress o makaranas ng separation anxiety ang mga bata sa unang araw ng klase. Una, mainam kung isasama sila sa pamimili ng mga gamit pang-ekuwela at uniporme. Sa ganitong paraan, ma-eexcite daw ang mga batang pumasok sa klase.

Bago magsimula ang pasukan, makatutulong din kung isasama sila sa papasukang eskuwelahan para ma-familiarize na sa lugar. Mas okay kung isinali ang mga bata sa summer classes para marunong na silang makihalubilo sa mga kapwa-bata.

Makakatulong din sa mga bata kung papayag ang pamunuan ng paaralan na pansamantalang manatili ang mga magulang o yaya sa loob ng classroom habang hindi pa sanay ang mga bata sa bago nilang kapaligiran.

Mahalaga ring tuparin ng mga magulang ang kanilang mga pangako sa kanilang mga anak upang hindi mawala ang tiwala nila sa kanila. Halimbawa, kapag sinabi ng nanay na babalik siya, kailangang bumalik talaga siya sa school. Mainam ding magpaalam sa mga bata kung aalis na ang mga magulang, kahit pa umiiyak sila.

Makakabuti rin daw sa mga bata kung hahayaan silang magdala ng mga bagay na lagi nilang bitbit o pamilyar sa kanila tulad ng mga stuffed toy, paboritong laruan o larawan ng kanilang mga pamilya.

Mahalagang makakita ng mga laruan ang mga bata para mabawasan ang kanilang takot at pangamba sa pagpasok sa eskwelahan.

Read Also: DOST-PCHRD Call for Thesis Grant Applications

Ang sa akin lang, isa rin siguro sa makakatulong upang maiwasan ang sepanx sa mga bata ang mga aktibidad o gawain nila sa eskwelahan. Kailangang handa ang teacher sa mga palaro. Mas okay rin kung kantahan at sayawan ang gagawin sa unang araw ng klase para hindi ma-pressure ang mga bata. Importante kasing makuha muna ang loob ng mga bata bago ang pormal na pagsisimula ng aralin.

Ayon sa mga eksperto, pinakamatagal na ang isang linggo para maalis ang takot ng mga bata na pumasok sa school. Kung hindi pa rin maalis ang sepanx ng mga bata, maaaring humingi ng gabay at sumangguni sa guidance counselor ng eskuwelahan.

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply