See you again, Boracay!

Malapit sa puso ko ang Boracay. Bukod sa angking ganda ng isla, napamahal na ako rito dahil Tubong Aklan din ang aking Lolo at Lola. Kaya laking tuwa ko nang maimbitahan ako rito para magbigay ng lecture tungkol sa campus journalism. Ang hindi ko alam, matatapat pala ang petsa ng seminar-workshop sa mga huling araw bago isailalim sa 6-month rehabilitation program ang Boracay. Para akong bumalik sa pagiging field reporter, nabuhay ang dugo ko. Alam ko kasing may storya sa pupuntahan kong lugar at maisusulat ko ito sa aking column.

Nataong kasabay ko sa eruplano pa-Boracay ang dati kong cameraman sa GMA na si Nando Sonza. Nakatutuwang isipin na sabay kaming pupunta sa isla pero magkaiba ang aming pakay. Siya ang na-assign na video journalist ni Vicky Morales na nag-remote anchor sa primetime newscast ng GMA na 24 Oras.

Hindi ko alam kung suwerte akong nasaksihan ko ang pagsasara ng isla. Bukod sa nakita at nakasama ko ang mga dating kasamahan sa Kapuso Network, historic ang Boracay closure. Talaga namang inabangan hindi lang local, maging international media. Lalo pa’t nitong 2016, kinilala ng international travel magazine na Condé Nast ang Boracay bilang Top Island in the World.

To be honest, masakit sa loob kong makitang hindi halos maipinta ang mukha ng mga Aklanon. Dama ko ito paglapag pa lang ng eruplano sa Caticlan Airport. Kung dati, all smiles ang mga makakasalubong mong local resident; ngayon, bakas sa kanilang mga kilos at galaw ang lungkot at pangamba.

Read also: DTI: Boracay Island Rehabilitation to Take Years; 36,000 Livelihoods Hit

Paano nga naman sila mabubuhay nang anim na buwan? May tulong man mula sa gobyerno, pero baka hindi raw ito sumapat para matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Ang lalo pa nilang ikinalungkot, natapat ang island closure ngayong summer kung kailan laging dagsa ang mga local at foreign tourists.

Ilang araw bago isara ang Boracay, bagsak-presyo ang mga paninda gaya ng souvenir items. Ang t-shirt at sando, 2 for P150 na lang. Ang keychains nga na dating P25 per piece, 8 for P100 na lang. Pati ilang restaurants, nag-offer na ng 50% off. Inalok na nila sa mga turista ang mga produkto sa murang halaga, kaysa nga naman masayang at hindi mapakinabangan. Pero halos langawin pa rin. Marami kasing turista ang nag-cancel na ng biyahe nang nalaman nilang isasara ang isla. Libu-libong lokal na residente ang nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan.

The day before the closure, senti songs ang maririnig mo sa isla. May kumanta ng “Farewell”, tila tumigil ang mundo ng mga nasa seashore. Kung dati rakrakan at nakabibinging tugtog mula sa mga banda ang maririnig, biglang nanahimik ang lahat na para bang nag-aabang ng hatol kinabukasan.

Read also: Masasa, Trash, and Other Injuries: The Side-Effects of the #Trending Phenomenon

Mahirap mag-finger pointing. Sa ganitong sitwasyon, lahat tayo talo. Ang dapat gawin – maging responsable tayo sa kapaligiran. Tandaan natin, iba gumanti ang Inang Kalikasan.

Kung establishment owner ka, dapat lang sigurong kumpleto ang mga permit mo. Sumunod ka sa tamang regulasyon lalo na sa environmental laws and processes. Kung turista ka naman, huwag abusuhin ang ganda ng isla. Ang simpleng pagtatapon ng kalat sa tamang basurahan – maliit na bagay pero malaki ang maitutulong sa kabuuan. Kaya maging responsableng Pilipino. Kung lokal na opisyal ka at nasa posisyon, maging mapanuri at mapagmatiyag. Huwag padadala sa bugso ng damdamin. Maging patas sa lahat ng bagay.

Dapat kapit-bisig at tulung-tulong tayong ibalik ang kinang at ganda ng tinaguriang premier island. Sabi nga nila, this is not goodbye. We simply say, “See you again, Boracay!”

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply