SCHOOL THROWBACK 7: Samahang Walang Katulad

Minsan sa buhay natin, may mga bagay na hindi natin basta-basta makakalimutan. Mga alaala na masarap balik-balikan, ‘yong saya at ‘yong sarap na idinulot ng pangyayari na ‘yon. ‘Yong tipong kahit ang dami ng nangyari sa buhay mo, may mga panibagong alaala na maiimbak na naman sa puso’t isip mo pero mangingibabaw pa din talaga ‘yong isang pangyayari na talagang tumatak sa’yo. Katulad nalang ng nangyari sa’kin. Ang isa sa pinakapaborito kong alaala.

December 8, 2013, ika-labing limang kaarawan ko. Maaga akong bumangon dahil pang-umaga ang klase ko. Hindi na ako umaasa na maaalala nila ang kaarawan ko kaya naman nagmadali na akong mag-asikaso para makapasok na ako. 2nd year high school ako ng mga panahon na ‘yan.

Dumating ako sa room namin na malungkot pero kahit ganoon, pinilit kong mag-focus sa klase namin. Napansin ‘yon ng mga kaibigan ko kaya naman tinanong nila ako pero ngiti lang ang isinagot ko. Uwian na at hindi ako sumabay sa kanila dahil nagmamadali akong umuwi para makapagpalit at makapunta na sa practice ng play namin.

Umuwi ako na walang katao-tao sa bahay kaya naman nag-asikaso na ako at kumain. Napangiti ako nang makita ko na adobong sitaw na may atay at balunan ang ulam namin. Paborito kong ulam ‘yon kaya naman kahit papaano ay napawi ang kalungkutan ko ng mga sandaling iyon. Paalis na sana ako ng bahay nang dumating ang mga kaibigan ko at yayain akong tumambay sa bahay ni Jennica. Anim pala kaming magkakaibigan at ka-grupo ko din sila sa play. Ako, si Jennica, Jona, Janella, Marjorie at Daniela.

1st year high school palang ay magkakaibigan na kami at itinuturing ko na sila bilang tunay kong mga kapatid. Nagtaka ako dahil may ensayo kami pero hindi nalang ako nagtanong at sumama nalang sa kanila. Habang naglalakad, biglang sumagi sa isip ko na hindi pa pala nila ako binabati. Nalungkot ako bigla dahil lahat ng mga mahahalaga sa buhay ko ay hindi man lang naalala ang kaarawan ko.

Pagdating namin sa bahay ni Jennica, pinaupo agad nila ako. Sinabi nila sa akin na huwag ako aalis sa pwesto ko at nagmadali na silang nagpunta sa kusina. Hindi na ako nagtanong pa at nanood nalang ako ng palabas. Maya-maya pa ay naamoy ko na yung niluluto nilang pancit canton. “Ang hirap siguro lutuin ng pancit canton kaya siguro kailangan silang lima doon”, nasabi ko nalang sa sarili ko. Nang matapos silang magluto, nagkumpulan sila at nakatalikod na naglakad papunta sa akin. Pagharap nila, sabay-sabay silang bumati sa akin ng “happy birthday bes” habang hawak-hawak nila yung pancit canton na may anim na buns sa ibabaw at isang tig-limang pisong kandila sa gitna na may sindi na.

Ang ganda ng plating nila kaya ang lakas ng tawa ko lalo na sa laki ng kandila na inilagay nila. Hindi ko maipaliwanag yung sayang idinulot sa akin ng pangyayaring ‘yon. Akala ko nakalimutan nila yung kaarawan ko. Iyon pala may surpresa sila. Niyakap nila ako isa-isa matapos ko mag-wish at ma-blow yung candle pagkatapos ay sabay-sabay na kaming umupo at nanood ng movie habang kumakain.

Alam nila na may problema ako pero hindi na sila nagtanong dahil ayaw nila na masira nang tuluyan ang araw ko. Ayaw na ayaw nila na nalulungkot ako kaya naman pinasaya nila ako ng sobra. Naaalala ko pa kung paano sila nag-uunahan sa pagkuha ng pagkain at tira-tira nalang ang napunta sa akin. Hindi ako nagreklamo dahil masaya akong pagmasdan sila sa ganoong asal nila. Masaya ako dahil nakatagpo ako ng mga kaibigan na katulad nila. Wala man silang pera pero nandyan sila para damayan ako at pasakitin ang t’yan ko sa kakatawa. Maaaring simple lang ‘yon sa mata ng ibang tao. Ang cheap para sa mga may-kaya sa buhay pero para sa mga katulad ko, masaya na kami na nandyan yung mga taong mahalaga sa buhay namin.

Maswerte ako sa mga kaibigan ko dahil sila yung tipo ng tao na kahit hindi mo ipakita at sabihin sa kanila yung problema mo, alam na agad nila. Kahit na masungit ako at mabilis mainis, hindi nila ako iniwan. Sa t’wing may problema ako, palagi silang nandyan. Hindi ko pa sila tinatawag, nasa tabi ko na agad sila. Ilang beses ko na din silang pinagtabuyan pero hindi ako nakarinig ng masasakit na salita sa kanila. Hindi sila nawawala sa tabi ko sa tuwing may problema ako. Sinasamahan ako sa lahat ng laban ko. True friends aren’t the ones who make your problems disappear. They are the ones who won’t disappear when you’re facing problems.

 

Read Also: 

SCHOOL THROWBACK BLOG 1: DUMI DAMI KAMI

SCHOOL THROWBACK BLOG 2: PERKS OF BEING A “BS ORG MAJOR”

SCHOOL THROWBACK BLOG 3: BLAST FROM THE PAST

SCHOOL THROWBACK BLOG 4: TAMARAW’S FAVORITE TAMBAYAN; FEU’S MARK OF LIBERTY

SCHOOL THROWBACK BLOG 5: BEST SECTION EVER

SCHOOL THROWBACK BLOG 6: IRREPLACEABLE

Leave a Reply