SCHOOL THROWBACK 1: Dumi Dami Kami

Huling taon ko na noon sa pag-aaral. Sa edad na labingwalo, ako ay magtatapos. Isa ako sa libo-libong mag-aaral sa taon na iyon na di-magkandaugaga sa pagtapos ng kanilang mga natitirang proyekto at aktibidad sa unibersidad. Kabi-kabilang pagsusulit; kabi-kabilang paghahanda. Photocopy dito, photocopy doon. Sulat dito, sulat doon. Takbuhan ay bookstore computer shop matapos lamang ang mga hinihinging requirements ng propesor.

Teatro

Naku, may isa pa nga pala. Maliban sa de-tinta at de-papel na proyekto ay nariyan ang iba pang aktibidad. Oo, ang teatro. Isa sa pinakamahalagang “pagsusulit” na aming dapat maipasa ay ang magtanghal sa harap ng madla. Bahagi ng kurikulum ng kursong kinuha ko–MassComm. “Ang Paglilitis Ni Mang Serapio”– ito ang dula na sa amin ay iniatas. Sabi ng ilang kaklase ay kamuntik-muntikanang ako ay makuha bilang isa sa mga pangunahing gaganap, ngunit dahil sa aking kaabalahan sa ibang gawain ay naging “extra” na lamang. Isang pulubi. Iyan ang papel ko. Maliit na pagganap na may malaking bahagi sa kabuuan ng dula.

 

Ang Paghahanda

Hindi ko na maalala kung gaano kami katagal nag-ensayo para sa dulang ito. Ang tanging naaalala ko ay babad kami sa tirik ng araw, o kung hindi man ay sa alikabok at usok gawa na ang aming tanging espasyong pinag-eensayuhan ay ang harapan ng Manila City Library (gated Mehan Gardens na ngayon). Sa una ay parang laro lamang ang lahat; sa kalauna’y nagseryoso na rin. Pasadong marka at pagtatanghal na kaiibigan ng lahat ang kapalit. Lahat ay may hawak na mga script, nasa kani-kanilang elemento na para bagang kami ay mga propesyonal na taga-teatro. Magkakabisado ng kani-kanilang linya, kani-kaniyang pwesto, pangkatang galaw, sayaw at diyalogo.

Ang Pagtatanghal

Dumating ang araw nang pagtatanghal. Hindi tulad ng mga artistang inaayusan upang maging maganda, kami ay nag-ayos upang pumangit. Kailangang magmukhang pulubi, kung kaya naman, aming dinungisan ang aming mga sarili, ginulo ang aming mga buhok, at nagsuot ng gula-gulanit na damit. Isa’t kalahating oras o higit pa na ganoon ang aming mga hitsura, umaarte sa harap ng aming mga kapwa estudyante kapalit nang hiyawan, tawanan, palakpakan at samu’t saring emosyon ng luha, tuwa at hinagpis sa kanilang napapanood at nakikita.

Ang pagsasara ng telon

Hindi matatawaran ang pagkakataon na naranasan ko, iyong kasama ng aking mga kaklase. Kinilala ang husay sa pagganap ng aming grupo. Lahat ay masayang nagsiuwi baon ang isang hindi malilimutang karanasan. Mahirap at matagal ang paghahanda sa dula, na sa huli ay sinalubong naman nang positibong pagtanggap ng madla.

 

Read Also: 

SCHOOL THROWBACK BLOG 2: PERKS OF BEING A “BS ORG MAJOR”

SCHOOL THROWBACK BLOG 3: BLAST FROM THE PAST

SCHOOL THROWBACK BLOG 4: TAMARAW’S FAVORITE TAMBAYAN; FEU’S MARK OF LIBERTY

SCHOOL THROWBACK BLOG 5: BEST SECTION EVER!

SCHOOL THROWBACK BLOG 6: IRREPLACEABLE

SCHOOL THROWBACK BLOG 7: SAMAHANG WALANG KATULAD

 

Jacqueline Tabora graduated in 2010 receiving a degree in Mass Communication at Universidad de Manila. She is currently working as a Transcription Proofreader for a US-based company. She typically shies away from public speaking, but occasionally writes about random things on her blog called The Mercurial Dudette.

Leave a Reply