Panganay Ka Ba?

“Pang- ilan ka sa inyong magkakapatid?”

Iyan ang laging tanong ng mga taong kakakilala sa akin.

“Ako po ang panganay.” Buong puso kong sagot.

“Huwag ka munang mag- asawa. Tumulong ka muna,” sambit nila.

Lagi naman akong sumasagot ng “Opo.”

Read Also: Different ‘Fathers’ of the Philippines

Ilan lamang iyan sa mga usapan na aking tinutugunan sa pagiging panganay. Sa tuwing ako ay nakikipag-usap sa iba ay para bagang napakalaki ng “expectation” sa akin. Kakambal na yata ng pagiging panganay ang mga ganitong pananaw at pagtingin ng lipunan.

Sa isang pamilya, ang pagiging panganay ay isang napakalaking hamon. Bilang nakakatanda sa inyong magkakapatid, sa iyo inaatas ang responsibilidad ng pangalagaan sila kapag wala ang mga magulang sa inyong tabi.

Read Also: Millennial Money-Saving Tips

Noong bata pa ako, ang naiisip ko ay ako ang magtatanggol sa aking mga kapatid kapag sila ay inaaway o sinasaktan ng kani-kanilang mga kaklase o mga kalaro. Ngunit, ang depinisyon ko ng pagiging panganay ay pambata lang. Habang ako ay tumanda, unti unti kong naunawaan ang malaking gampanin ko sa buhay.

Nang ako ay grumadweyt sa kolehiyo, ang unang hiling sa akin ng aking mga magulang ay makapaghanap ng trabaho upang matulungan sila sa pagpapaaral ng aking kapatid na nasa kolehiyo pa at para mabayaran ang aming mga utang. Agad naman akong tumugon sa kanilang hiling. Nabiyayaan ako ng trabaho sa isang pampribadong paaralan sa amin at nagtuluy-tuloy sa pagiging isang guro sa pampublikong paaralan. Ramdam ko ang “transition” sa aking buhay na mula sa pagiging musmos na ang iniisip ay paglalaro lang, ngayon ay isa nang propesyunal na kailangan alamin ang pangangailan sa kabahayan.

Kung noon ay humihingi lang ako ng baon, ngauon ay kailangan ko nang magbanat ng buto para makatulong sa pamilya.

Read Also: Feeling Blessed in the Wrong Way

Ang pagiging isang panganay ay di lamang nagtatapos sa paglalaan ng mga pangangailangan sa bahay. Dapat ay maging isa kang mabuting halimbawa sa inyong magkakapatid. Bukod sa pangunguna sa gawaing-bahay, ikaw ay dapat magpakita ng kagandahang-asal sa pakikihalubilo sa ibang tao. Dapat ay makita ka ng iyong mga kapatid na magalang, matulungin, at mabait para ikaw ay tularan nila.

Napakabigat na ninanais na makita sa iyo ng nakararami. Bukod sa iyong mga magulang, dapat ikaw ang nagtuturo sa iyong mga kapatid ng mga magagandang-asal. Kailangan ay magkaroon ka ng magandang imahe para sa iong pamilya.

Read Also: The Millennial Walwal

Kailangan na ipakita mo na ikaw ay nagpupursige sa pag-aaral o sa pagtratrabaho.

Kadalasan, ang mga magulang ay ikinakayod nila ang pampaaral ng kanilang panganay dahil inaasahan nila ang kanilang unang anak ang tutulong sa pag-aaral ng mga sumusunod sa kanya. May mga pagkakataon pa na may mga pinahihinto para mapagtapos nila ang kanilang kuya o ate. Bilang panganay, kailangan mo na suklian ang pagsasakripisyo ng bawat miyembro ng pamlya. Inaasahan na bago makapag-asawa ay natulungan na niya ang kanyang mga kapatid sa pag-aaral.

May mga pagkakataon na bilang panganay ay mga bagay na dapat kang isantabi para makitang maayos ang kalagayan ng mga magulang at mga kapatid. Kabilang na sa mga sakripisyong ito ang emosyonal na parte ng iyong buhay. May mga panahong nagkimkim ka ng iyong pagkabalisa o problema para hindi makadagdag sa problema ng pamilya. May mga panahon na umiiyak ka at parang gusto mo nang takasan ang lahat ng responsibilidad mo. Normal lang iyan sa isang tao na dumadaan sa pagiging “adult”.

Read Also: #SundayMeditation: Our Short Lives

Hindi ko sinasabi na malungkot ang pagiging isang panganay. May kasiyahan rin ito. Makita mo lang na ngumingiti ang mga magulang mo at masaya ang mga kapatid mo sa mga binibigay mong tulong, para bagang kumpleto ka.

Subalit, pakatatandaan na kailangan magtira sa sarili mo. Dapat ay maglaan ka ng oras sa sarili para mabuo mo pa ang iyong pagkatao. Pagkatandaan na huwag ka lang mag-focus sa paglalaan ng material na bagay para sa iyong pamilya. Kailangan mong maglaan ng oras para makinig at mapakinggan ka nila. Dapat ay ibahagi mo sa kanila ang iyong mga problema para maintindihan ka nila.

Nariyan ka na sa iyong estado. Huwag kang panghinaan ng loob sa mga bagay na nakaatas sa iyo. Alam mo ba kung bakit ganito na lang ang bigat ng iyong obligasyon? Dahil inihahanda ka ng iyong magulang na pamahalaanan ang iyong mga kapatid sa oras na mawala sila sa mundo. Pinaparamdam nila sa iyo na may tiwala sila na pangunahan ang sambahayan kapag dumating na ang punto na tapos na ang kanilang buhay.

Read Also: Our Own Judgmental Selves

Hindi maiaalis na kapag mawawala ang mga magulang, ang mga anaky ay dapat nagdadamayan, nagtutulungan, at ikaw bilang panganay ay nasanay na manguna sa iyong mga magkakapatid.

Panganay ka ba? Magalak ka, Kuya o Ate. May malaki kang magagawa sa iyong pamilya.

Carl John Carolino is a Senior High School Teacher and a blogger. He
loves to read books and he is a techy- savvy young professional.

Leave a Reply