Paano naging Filipino ang ating Pambansang Wika

Malapit nang matapos ang Agosto. Ang bilis ng panahon. Pagkatapos nito, maririnig na naman ang mga awiting pampasko ni Jose Mari Chan.

Bukod sa malalakas na ulan, naaalala ko talaga ang Agosto bilang Buwan ng Wika. Oo, naranasan ko din nagsuot ng pambansang kasuotan noong nag-aaral pa ako. Ngunit sa tuwing gumagawa ako ng sulatin, madalas na wikang Ingles ang gamit ko. Kaya naman bilang pagpupugay sa ating pambansang wika, Filipino ang gagamitin ko sa lahat ng ilalathala ko. Tiyak mahihirapan ako pero kakayanin ko.

Bilang panimula sa ika-walong buwan ng taon, magandang malaman kung paanong Filipino ang napili mula sa dami ng dialekto sa ating bayan.

Image is a courtesy of the Collection of the U.S. House of Representatives
An image of Jaime C. de Veyra

Nagsimula ang proseso noong 1935 nang mailagay sa Saligang Batas ang paghulma sa opisyal na wika ng Pilipinas. Dahil na rin sa pagsusulong ng Kongreso, isang komite ang binuo upang pumili ng dialekto na magiging batayan ng pambansang wika. Ang komite na ito ay orihinal na binuo ng pitong dalubhasa sa wika at dialekto kagaya ni Jaime C. De Veyra na siyang pinuno ng nasabing komite at matatas sa Hiligaynon.

 

Read Also: Baybayin and House Bill 1022: “National Writing System Act”

Kasama ni De Veyra sina Hadji Butu (Maranao), Santiago Fonacier (Ilokano), Cecilio Lopez (Tagalog), Casimiro Perfecto (Bikolano), Felix Salas Rodriguez (Samarnon), at Felimon Sotto (Cebuano). Matapos ang isang taon, sinamahan nila Isidro Abad (Cebuano), Zoilo Hilario (Kapampangan), Lope K. Santos (Tagalog), at Jose Zulueta (Pangasinense) ang orihinal na kumite sa pananaliksik at pag-aaral.

Matapos ang kanilang pagsusuri, inirekomenda ng komite na Tagalog ang maging batayan ng pambansang wika ng Pilipinas. May mga nagsasabi na kaya daw napili ang Tagalog ay dahil ito ang dialekto ng bayan kung saan nagmula si Pangulong Manuel L. Quezon. May ilan din nagpahiwatig na kaya daw napili ang Tagalog dahil mas marami ang miyembro ng komite na taga-Luzon. Ngunit, walang matibay na batayan ukol sa mga haka-haka na ito. Subalit, Tagalog ang naging suhestyon ng mga manunulat at mamamahayag sa peryodiko sa mga miyembro ng komite.

Read Also: Who Colonized the Philippines? “Malaysia, Indonesia and the United States of Emerates”

This Photo is from The Library of Congress Prints and Photographs Division Washington, D.C. 20540 USA
An image of Manuel L. Quezon

Alinsunod sa rekomendasyon ng komite, nilagdaan ni Pangulong Quezon noong 1937 ang Kautusang Tagapagpaganap bilang 134 na nagsasaad na Tagalog ang magiging batayan ng pambansang wika. Ipinaalam ng Pangulo ang paglagda sa nasabing kautusan sa pamamagitan ng isang talumpati na ipinahayag sa radyo. Matapos ang tatlong taon, pormal na kinilala ang Tagalog bilang isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas.

Upang mahasa sa bagong wika, itinuro ang Tagalog sa mga estudyante sa una at ikalawang antas ng edukasyon pati na sa mga kumukuha ng kursong edukasyon. Noong 1939, sinimulan ni Santos at ng Instituto ng Wikang Pambansa ang paggawa sa librong Balarila ng Wikang Pambansa. Ngunit, hindi ginagamit ang Tagalog bilang wika sa pagtuturo. Nang masakop ng mga Hapon ang Pilipinas, hinikayat nila ang paggamit ng Tagalog sa mga paaralan at sa pampublikong komunikasyon.

Read Also: Five Events That Prove How Powerful Pre-Colonial Philippines Is

Taong 1959 nang opisyal na tawaging Filipino ang wikang pambansa. Ngunit, nalagay ito sa kontrobersya noong pagtitipon para sa Konstitusyon noong 1973. Isang komite ang binuo ng mga delegado ng kombensyon upang gumawa ng mga patakaran ukol dito. Sa kabila ng pagsusulong ng pagtanggal sa wikang Filipino, napagkasunduan ng kombensyon na linangin ang kasalukuyang wika.

Pormal na iniluklok ang Filipino bilang opisyal na wikang Pambansa sa Saligang Batas ng 1987. Ayon ika-anim na seksyon ng Artikulo XIV, “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang medium ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Sa kasunod naman nitong seksyon, isinasaad sa Saligang Batas na “Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod ng kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic.

Read Also: Ten Proofs We Inherited Our Love for Drinking from Pre-Colonial Filipinos

Photo courtesy of U.S. Air Force Staff Sgt. Peter Reft
An image of Filipino Children waving the Filipino and American Flag

At dahil patuloy na nagbabago ang wikang Filipino, isinaad din sa ika-siyam na seksyon ng nasabing artikulo na “Dapat magtatag ng Kongreso ng isang komisyon ng wikang Pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, maguugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapanatili”.

Lawrence Andrew Fernandez is a Digital Marketing professional that is passionate for sports, music, and travel. A journalism graduate from the University of the Philippines Diliman, he also contributes articles to Fox Sports Philippines. He is also a member of the CFC-Singles for Christ and a proud Cainta resident.

Leave a Reply