Never Give Up: NO TO SUICIDE

Sa loob lang ng isang linggo, dalawang kilalang personalidad sa mundo ang nag-suicide – ang fashion designer na si Kate Spade at celebrity chef na si Anthony Bourdain. Batay sa report ng Center for Disease Control, suicide ang ika-sampung leading cause of death sa Amerika. Nakaaalarma na ang mga taong matagumpay na sa larangan nila, pinipili pa ring wakasan ang kanilang buhay. Umaabot daw sa mahigit isang daan at dalawampung tao ang nagpapakamatay sa Estados Unidos kada araw.

Hindi gaya ng karaniwang sakit sa puso o kanser, invisible o hindi madaling makita ang mental illness tulad na lang halimbawa ng mga taong nagbabalak mag-suicide. Malaki ang kaugnayan ng pagsu-suicide sa estado ng pag-iisip ng isang tao o ang tinatawag na ‘mental health’.

Read Also: What Kate Spade’s Suicide Tells Us

Ayon sa World Health Organization, ang mental health ay estado ng kagalingan o well-being ng isang tao kung saan nagagamit niya ang kanyang kakayahan at potensiyal para harapin ang stress o mga problema sa buhay, nakapagtatrabaho o nakagagawa ng mga gawain nang mahusay, at nakapag-aambag sa kanyang pamayanan.

Ang masaklap, dahil hindi agad nakikita ang mental illness – baka isa na sa ating mga kaanak, kaibigan, o katrabaho ang nakararanas na pala ng matinding kalungkutan o depression.

Kapag naramdaman ng isang tao na wala na siyang kuwenta o halaga, at hindi na niya kayang gampanan ang kanyang mga tungkulin, nade-depress siya na maaaring magresulta kalaunan sa pagpapakamatay.Lumalabas sa mga pag-aaral na suicide ang nakikitang solusyon ng ilang tao para matakasan ang kinakaharap na problema.

Sa Filipino adaptation ng Pulitzer Prize winning play na ‘Night, Mother’, ipinagkibit-balikat lang ng nanay na si Thelma na ginampanan ni Sherry Lara ang iniindang sakit ni Jessie, ang anak na ginampanan naman ng award-winning actress-comedienne na si Eugine Domingo. Hindi alam ni Thelma na may early signs and symptoms na pala ng depression si Jessie. Inakala niyang bunsod lang ito ng epilepsy na sakit ni Jessie noong siya’y bata pa. Nagulantang na lang si Thelma na seryoso pala si Jessia sa banta niyang mag-suicide. Pero huli na ang lahat, nagbaril na sa sarili sa Jessie.

Wala pa ring kamalayan at sapat na kaalaman ang publiko sa mental illness gaya ng depression. Noong isang taon, binatikos sa social media ang komedyanteng si Joey De Leon matapos niyang sabihing gawa-gawa lang ang depression. Kalauna’y humingi rin ng sorry ang noon-time show host matapos amining inakala niyang iisa lang at pareho ng kahulugan ang stress at depression.

Read Also: #SundayMeditation: Our Short Lives

Sa pinakahuling datos ng WHO, higit 300 milyong tao sa buong mundo ang nakararanas ng depression. Dito sa Pilipinas, higit anim na milyong Pilipino ang may anxiety at depressive disorders. Pero walang malinaw na bilang kung ilan ang nagsu-suicide dahil sa depression.

Iba’t iba ang maaaring pagmulan ng depression. Kasama na rito ang problema sa pera, trabaho, buhay pag-ibig, pagkapahiya sa harap ng maraming tao, at mababang grades. Posible rin daw na may namanang hormone sa mga magulang kaya madaling ma-depress ang isang tao.

Sa totoo lang, hindi biro at mabigat sa bulsa ang rehabilitation at psychiatric therapies para sa mga taong may mental illness kaya ng depression. Kaya marami ang sinasarili na lang ang nararamdamang sakit at hindi na kumokonsulta sa mga eksperto.

Sabi ng mga medical expert, dapat maalis ang ‘negativity’ sa isip ng isang tao. Gawin itong positibo para muling lumaban sa mga hamon ng buhay.

Matuto ring pahalagahan ang sarili. Gumawa ng mga aktibidad na makapagpapasaya sa’yo. Importante ring pangalagaan ang pisikal na pangangatawan. Malaki raw ang maitutulong nito para maging malusog ang mental health.

Dapat ding ‘surround yourself with good people’. Sabi ng mga eksperto, mainam kung may support network ka – mga taong aalalay sa’yo sa gitna ng problema.

Parte na ng buhay ang stress. Pero dapat ‘learn how to deal with it’. Maglaan din ng ‘quiet moment’ sa iyong sarili. Meditation and prayer can help improve your state of mind.

‘Set realistic goals.’ Mahalagang may ambisyon ka sa buhay para pilit mo itong aabutin at pagtatagumpayan.

Read Also: Maine Mendoza, Doc Gia Sison Team Up For Mental Heatlh Initiative

Huli, ‘get help when you need it’. Huwag mahiyang humingi ng tulong sa taong malapit sa’yo. Mahalagang bukas lagi ang linya ng komunikasyon. Ika nga, huwag mong solohin ang problema. Mas mabilis ang solusyon kung magtutulungan kayo sa pagresolba.

Laban ito hindi lang ng mga taong may mental illness, higit lalo ng mga taong tutulong at aagapay sa kanila. Huwag sana tayong magsawang maglaan ng oras at makinig sa mga taong nagpapasaklolo.

 

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply