Mailap na Jackpot Prize

Talk of the town ngayon ang 6/58 Ultra Lotto. Ang jackpot prize kasi nito, umabot na sa mahigit isang bilyong piso! Oo, hindi ka namamalikmata – more than P1B nga ang puwede mong mapanalunan kapag nasuwertehan mo ang 6 winning digits.

Kaya naman hindi kataka-takang pinipilahan talaga ang mga lotto outlet saan mang panig ng bansa. Noong Lunes, nagulat ako sa haba ng pila sa isang lotto outlet sa high-end mall sa Metro Manila. Daig pa ang isang blockbuster film. Pati mga may kaya at mayayaman, nagbabakasakali ring manalo.

Pero nitong Martes, bigo na naman tayo. Wala pa ring naka-jackpot sa 6/58 Ultra Lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Kaya malamang na mas lumaki pa ang jackpot prize sa susunod na lotto draw.

Sa kasaysayan ng lotto sa Pilipinas, ito na raw ang pinakamalaking premyo na naitala. Sa bawat araw kasi na hindi natatamaan ang jackpot prize, palaki rin nang palaki ang premyo.

Kanya-kanyang diskarte ang mga tumataya. Ang ilang nakausap ko, may inaalagaang mga numero gaya ng araw ng kapanganakan, araw ng kasal, araw ng anibersaryo at kung anu-ano pang mahahalagang okasyon.

Pero sabi ng ilang eksperto sa lotto gaming, huwag i-limit ang pagpili ng numero. Kung sa petsa ng kalendaryo lang kasi ibabase ang tatayaang numero, papatak na hanggang 31 lang ang mapipili mong number combination. Kulang ito lalo pa’t hanggang 58 ang puwede mong tayaan.

Sa pagtaya, importante raw na paghaluin ang mga odd at even numbers. Huwag ding ikahon ang mga tatayaang numero sa isang number set. Ibig sabihin, kombinasyon ng high and low numbers ang dapat na tayaan.

Subukan ding i-add ang 6 numbers na tatayaan – dapat nasa pagitan daw ng 129 hanggang 207 ang total sum nito. Sabi ng mga eksperto, halos 70% ng mga nanalo na sa lotto, nasa nabanggit na range ang total sum ng winning combination.

Bakit hindi rin daw i-try na makipag-share ng taya sa pamilya o kaibigan? Mas may tsansa raw manalo dahil mas marami kayong matatayaang numero. ‘Yun nga lang, may kahati ka sa premyo.

Sa pagtaya ng lotto – bukod sa may chance na tayong manalo ng malaking halaga, sigurado ring makatutulong tayo sa mga kababayang nangangailangan. Sa bawat pagtaya natin, 30% nito ay napupunta sa Charity, 15% naman sa Operating fund at 55% ang para sa Prize fund.

Payong kaibigan, kung ikaw ang palaring maging bilyonaryo, manatiling kalmado. Pag-isipan nang mabuti kung ano ang gagawin sa premyo. Huwag magpadalus-dalos dahil baka ang perang matagal mong inasam na makuha’y mawala rin na parang bula.

 

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

One Comment

Leave a Reply