Kris Aquino’s Reax and Filipino Attitudes to Politics

Nangako akong hindi kita papatulan – but this time you crossed the line. Kris Aquino to Mocha Uson. Ito ay kasunod ng masagwang halik ng Pangulong Duterte sa isang Pinay OFW sa South Korea.

Sa harap ng mga pagtuligsa sa ginawang ito ng pangulo, umeksena na naman si Spox Harry Roque upang i-downplay ang kaganapan bilang isang  “playful act,” at “light moment that is very accepted in the culture of Filipinos.” Kailan pa naging bahagi ng ating kulturang Pilipino ang ganitong kasagwaan at kalaswaan? Kundi ba naman talagang nagpapalusot.

Read Also: Do Dirty Kiss and Double Standards

Syempre hindi nagpahuli ang creatives ni Asec. Mocha Uson. Ikinumpara ni Mocha ang biglaang paghalik ni Duterte sa Pinay OFW sa dalawang babaeng humalik kay Ninoy, minuto bago s’ya paslangin sa noo’y Manila International Airport.

For the record: magkaiba ng konteksto ang mga halik na ‘yon. Si Ninoy ay “hinalikan” ng ilang taga-hanga. Humanga sila sa katapangan n’yang bumalik sa ‘Pinas kahit alam n’yang may banta ito sa kanyang buhay. Ang dalawang halik na iyon kumbaga ay turing na nila bilang “goodluck/keep safe” charm. At isa pa, sa video, makikita pa nga na alangan si Ninoy. Halatang na-caught off-guard.

Si Duterte, binigla ang Pinay. On-the-spot. And what’s more, sa lips pa hinalikan! Kung ordinaryong tao ‘yan si Duterte at hindi pangulo, siguradong Dirty Old Man ang label sa kanya.

Balik kay Kris Aquino at sa reaction n’ya kay Mocha that she has crossed the line kaya nag-make patol na ang “Queen of Philippine Media” to the “Queen of Philippine Fake News.”

Read Also: Mocha Uson, Angelina Jolie and My Long Lost Pal

What line did Mocha cross? The personal. The family line. Ayon nga sa isang popular na kasabihan, “Gawin mo na ang lahat sa akin. Huwag mo lang idadamay ang pamilya ko, kundi magkakamatayan tayo.” So ayan na nga, mas lalong aggravated dahil one, patay na ang mag-asawang Aquino at pangalawa, may “hero status” si Ninoy at Cory dito sa Pilipinas.

Ito naman kasing si Asec. Mocha, kung bakit ba naman hindi kayang dumepensa in an intelligent and balanced manner. Ganyan talaga kapag fanatic, hindi ka makapag-isip ng tama.

You crossed the line. Karamihan ng Pilipino ganyan ang attitude sa pulitika. Usually sunod sa uso, sunod sa famous, sunod sa kung sino ang panalo. Sunod lang. Tahimik lang. Gaya sa war on drugs ni Duterte, marami ang nagkikibit-balikat, hayaan daw ang mga namamatay, talagang ganon. ‘Yong TRAIN Law bago pumasa, ang sabi nila huwag daw kontrahin, hayaan lang daw ang pamahalaan.

Hayaan lang dahil hindi pa naman sila ang namamatayan at tinatamaan. Ngunit sa oras na sila ay maapektohan na, ay iba na ang usapan. May mga kilala nga akong mga dating DDS na ngayon ay buong-hiyang nagsasabi na sila ay “Na-Duterte”, na-ChangeScamming.

Ang mindset ng Pilipino sa pulitika ay napaka-personal. Ang pagboto ay batay sa personalidad, sa catchy campaign jingle, ayon sa pedigree, kung sino ang mama at papa, among others. Ang suportado ay ang tao hindi ang prinsipyo at plataporma. Tignan mo tuloy, pag nagpalit ng pangulo, laging purnada ang mga reporma. Paano, personality politics ang pinaiiral. Ang bayan tuloy ang nagdurusa.

Ang reaction ni Kris Aquino ay gaya ng karamihan sa mga Pilipino, hindi aaray, hindi aalma, hindi kikilos hanggang hindi sila tinatamaan ng bala, hanggang hindi nadadamay ang kanilang pamilya. Ang pangit at ang sama ‘di ba? Hangga’t hindi apektado ang pamilya, ang personal na buhay ko, bahala na sila sa buhay nila.

Read Also: Women Disempowerment in The Time of Duterte

E ano kung napatay yung anak ng kapitbahay ko sa drug war, e ano kung hindi na afford makabili ng ilang supplies ng kaklase kong taga Payatas dahil sa TRAIN Law at mataas na rate of inflation, e ano kung mawawalan ng jeep at kabuhayan ang lolo ng kaibigan dahil sa jeepney modernization, e ano, sad pero wala akong magagawa. Talagang ganon ang buhay. Weather, weather la-ang, sabi nga ni kuya Kim.

Ganyan ang attitude ng karamihan sa mga Pilipino. Palibhasa hindi apektado, it did not cross their personal lines, kaya apathetic pa rin. Mga walang puso. Mga kulang sa pakikipagkapwa. Kaya patuloy na hindi uunlad ang bayan.

Kulang ang Pinoy sa national, collective consciousness, ang kamalayang pambayan, o sense of national community in the words of Islamic scholar, Cesar Adib Majul. Ayaw makialam sa mga isyung panlipunan, ayaw hamunin ang mga naghaharing-uri, ayaw bumalikwas sa isang masamang sistema hanggang s’ya ay safe pa, nakakakain s’ya, hanggang afford pa n’yang mag-swipe sa card n’ya. Hayaan nang mapahamak ang iba huwag lang ang aking pamilya. Saka na lamang kikilos kapag s’ya ay apektado na, may napatay na sa side n’ya, kumakalam na ang sikmura, at wala ng kabuhayan. And by that time, it’s already too late.

Dom Balmes

Dom writes for pay by day and writes for passion by night. He is a Japan major at the University of the Philippines. He’s fond of ramen and anime but not of nice people.

Leave a Reply