First Love Never Dies

Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy. ‘Yan ang pinatunayan ng kapwa volleyball players na sina Maricar ‘Kai’ Nepomuceno at Ariel Kenneth ‘Ken’ Baloaloa. Unang nagkakilala ang dalawa sa volley court ng kanilang Alma Mater na National University noong 2008. Makalipas ang limang taong relasyon, agad silang nabiyayaan ng supling. Dahil kapos sa budget, isinantabi na muna nila ang pagpapakasal. Mas pinili muna nila noong bumuo ng pamilya.

Pansamantalang nahinto si Kai sa kanyang first love na volleyball. Dahil nagbuntis, itinuon niya ang kanyang atensiyon sa buhay may-asawa.

Read Also: Age Doesn’t Matter At All

Pero ngayong limang taong gulang na ang kanilang unico hijo’ng si Enzo at unti-unti na raw nilang natutupad ang kanilang mga pangarap sa buhay, nagdesisyon sina Kai at Ken na ipahayag ang kanilang pag-iibigan sa harap ng altar.

Kuwento ni Kai, “Pagkatapos ng lahat ng hirap, saya at sakripisyo nakabalik ako sa volleyball, nakapag-Army si Ken at unti-unti na namin nakukuha ‘yong buhay na gusto namin.”

Gaya ng marami, naniniwala rin si Kai sa hiwaga’t suwerteng hatid ng pagpapakasal ngayong buwan ng Hunyo. Kaya si Kai, certified June bride!

Base sa sinaunang paniniwala, mapapalad daw ang ikinakasal ‘pag June dahil simula na ng rainy season – kung kailan mabulaklak na ang mga halaman at luntian na ang mga bundok at kagubatan.

Read Also: P.S. You Don’t Need a Perfect Relationship

Noon pang 15th century nagsimula ang ganitong tradisyon para sa mga babae. Buhat noo’y kinilala nang ‘Buwan ng Kasalan’ ang Hunyo na hango sa salitang ‘Juno’ na tinaguriang ‘goddess of love and marriage’ batay sa Greek mythology.

Pero may mas malalim pang kahulugan kay Kai ang pagpapakasal ngayong Hunyo. Kinikilig niyang kuwento, “June 8 kasi ang 10th anniversary namin and birthday rin ni Ken.”

Kahit pa may asawa’t anak na, di pa rin mawala-wala sa puso’t isip ni Kai ang unang nagpatibok ng kanyang puso noong kanyang kabataan

Ika nga ng kasabihan, ‘first love never dies…’ Kaya balik uli sa volleyball court si Kai matapos mahinto nang ilang taon. Miyembro siya ngayon ng Petro Gazz Angels na isa sa mga koponan sa Premier Volleyball League (PVL).

Para kay Kai, ‘volleyball is life’. Dagdag pa niya, “Eto ‘yong part ng buhay ko na hindi ko kayang i-let go, mahirap pagsabayin ang work and training pero iba kasi ‘yong nabibigay na saya sakin ng paglalaro.”

Hindi sila nag-honeymoon ni Ken. A day after the wedding, Kai went straight into the game. Aniya, “Siguro dahil ganun nga ako ka-dedicated and ayoko kasing iwan ‘yong team kahit isang game lang.” Nauunawaan ito ni Ken na varsity rin noong college days nila.

Abut-abot naman ang pasasalamat ng pamunuan ng Petro Gazz sa pangunguna ni President Ricky Villavicencio sa dedikasyong ipinamamalas ni Kai sa laro.

Read Also: It Runs in The Blood

Sa totoo lang, kung may pangarap ka sa buhay pero naunsiyami dahil sa kahirapan o ano pa mang dahilan – huwag kang tumigil hangga’t hindi mo ito nakakamit. Ika nga, lahat kaya mong abutin kung magtitiwala ka lang sa sarili mong kakayahan.

 

 


Banner photo:  Sina Maricar ‘Kai’ Nepomuceno at Ariel Kenneth ‘Ken’ Baloaloa kasama ang kanilang anak na si Enzo.

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply