EDSA, paano na ang mga single?

Usap-usapan pa rin sa social media ang mga relationship status. Single ka ba? O LDR or in a long distance relationship? O di kaya may karelasyon nga pero lagi rin namang solo sa biyahe? Isa ka ba sa libu-libong namroblema noong isang linggo nang simulan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dry run ng High Occupancy Vehicle HOV lane policy?

Si Rael, isang financial consultant – EDSA ang biyahe araw-araw papuntang opisina sa Ortigas. Pero dahil single, wala raw siyang maisabay sa kanyang kotse. Kaya pasakit sa kanya ang pag-ban ng MMDA sa driver-only vehicles sa EDSA. Napilitan tuloy siyang mag-commute. Mahirap para sa gaya niyang sunud-sunod ang client meetings kada araw.

Read Also: Productive Activities for the Unemployed Fresh Graduate

Kaya laking pasasalamat ni Rael nang igarahe muna ng MMDA ang full implementation nito. Nito sanang August 23 ang pagpapatupad nito. Pero ipinagpaliban muna ng ahensiya matapos ang Senate resolution na humihiling na ipahinto ang ban sa driver-only vehicles.

Sa datos ng MMDA noong 2017, umabot sa 247, 527 ang bilang ng private vehicle sa EDSA – 67% daw ito ng kabuuang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa 11-kilometer stretch na highway na pumalo sa halos 370, 000 noong isang taon.

Read Also: 10 Things Only #Girlbosses Do

Naniniwala ang MMDA na malaking bawas sa mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA kung hindi papayagang bumiyahe ang mga private vehicle na driver lang ang sakay.

Sa press conference noong isang linggo, sinabi ni MMDA General Manager Jose Arturo Garcia Jr. na muling magpupulong ang Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng 16 City Mayors at 1 Municipal Mayor para pag-usapan ang naturang polisiya. Sa susunod na linggo naka-schedule ang meeting ng MMC.

Siniguro naman ni MMDA Chairman Danilo Lim kay Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go na pag-aaralan at rerebisahin ding maigi ng MMC ang mga negatibong pananaw ng riding public sa HOV lane policy.

Kahit pansamantalang iginarahe ang pagpapatupad nito, tuloy naman ang dry run. Ayon kay Garcia, tuloy ang dry run ng HOV lane policy sa EDSA hangga’t wala pang pinal na desisyon ang MMC ukol dito.

Read Also: The Rise of New Teachers Called ‘Professor Dogs’

Pagtitiyak ng MMDA, wala silang huhulihin. Paaalalahanan lang daw nila ang mga motoristang masisita na nag-iisa sa kanilang sasakyan. Gagawin ito mula Lunes hanggang Biyernes tuwing rush hour – sa umaga sa pagitan ng 7 AM at 10 AM at sa gabi sa pagitan ng 6 PM at 9 PM.

Sa unang tatlong araw ng dry run, naitala sa 6,745 ang bilang ng violators ng HOV lane policy sa EDSA.

Ayon kay Sen. Grace Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, panahon na para muling pag-aralan ng MMDA ang tamang solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Kung si Poe ang tatanungin, di raw kailangan ng bagong polisiya. Ang kailangan daw – mahigpit na pagpapatupad ng mga kasalukuyang batas-trapiko.

Importante rin daw kung magsasagawa muna ng public consultations ang MMDA bago magpatupad ng anumang traffic scheme para hindi nabubulaga ang mga motorista.

Read Also: How to conserve fuel?

Mismong Department of Transportation (DOTr), tila hindi rin pabor sa polisiyang ito ng MMDA.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Commuters Affairs Elvira Medina, kailangan muna itong pag-isipang mabuti ng MMDA. Unang una, napipilitan daw ang mga motoristang magdala ng sariling sasakyan dahil kapos ang public mass transportation sa Pilipinas.

Kung maayos lang daw ang transport system sa ating bansa, malamang na mag-commute na lang ang mga motorista.

Kabilang daw sa 3-year standardization plan ng DOTr ang modernization ng public transport. Una na ang pag-modernize sa mga jeep. Kaya aalisin na ang mga kakarag-karag na hari ng kalsada. Isusunod dito ang mga bus at iba pang pampublikong sasakyan. Pati ang train system, pinapalawak ang sakop para maibsan din ang trapiko.

Kumpiyansa si Medina na maipapatupad ang planong ito bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Read Also: Five Times Angel Locsin Proved She’s a Real Angel On Earth

Sa totoo lang, bago tayo umangal – bigyan muna natin ng tsansa ang bagong traffic scheme sa EDSA na maipatupad. Hindi ka makakahanap nang partner kung lagi kang nagsosolo sa biyahe. Malay mo, sa pag-cocommute mo makilala ang forever. E di imbes na single, in a relationship na ang susunod mong status sa Facebook.

 

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply