Dagupan’s Pigar-Pigar

Dagupan City.

Photo courtesy of Renato | (CC BY 2.0)
A Drawing of Dagupan City Bus Co., Inc

Oo na! Low-lying area, catch basin, dating fishponds na tinambakan lang ng lupa, bahain kapag walang tigil ang ulan lalo kung sinabayan pa ng high tide kaya ang bilis pa sa alas-kwatro nang kumalat ang bagong bansag dito bilang DaguPOND SEA-ty. Nakakatuwa man pero huwag tayong nega ika nga. Sinasapawan kasi nito ang pagiging “Bangus Capital City”, “Home of the Best Tasting Bangus”, “Guinness World Record holder for Longest Barbeque of the World (2003)”, “Home of Gilon-Gilon Festival”, “Birthplace of Philippine Modern Art and National Artist Victorio Edades”, at ang “Tahanan ng Kauna-unahang Libingan para sa mga Aquatic Mammal” ng lungsod. Kaya mas mainam na doon tayo sa mas positibo, ‘di ba?

Bukod sa mga ipinagmamalaking tourist attractions sa lugar, hindi makukumpleto ang #TravelGoals mo rito kung hindi mo titikman ang itinuturing na “gourmet delicacy” ng lungsod – ang “pigar-pigar”. Sa katunayan, pamosong street food ito para sa mga tiga-lalawigan pero para sa mga first timer, maaaring “underrated” ang pagkaing ito pero mariin kong imumungkahi na iyong tikman para maibigan at nang mabalik-balikan!

Read Also: The Culturally Insensitive Prenup Shoot of Coleen Garcia and Billy Crawford

Ang salitang pigar-pigar ay hango sa dialektong Pangasinan na ang ibig sabihin ay tuloy-tuloy na paghahalo o pagbali-baliktad ng mga sangkap.  Sa mga master chefs ng tahanan, simple lang ang mga sangkap nito. Sariwang lean beef o kadalasa’y cara-beef lamang ang main ingredient, hiniwa nang maninipis, binudburan ng konting asin at kurot ng pamintang durog saka idi-deep fry. Kapag nagkulay tsokolate na ang karne, ihahalo na ang sibuyas na hiniwa nang pabilog (onion rings) at hintayin hanggang sa maging transparent.

Hanguin at i-drain ang mantika at presto! Kainan na! Sa mga health conscious, maaari namang haluan ng hiniwang repolyo, cauliflower o broccoli, atay at minsa’y oyster sauce ang putaheng ito depende sa nais ng customer – may additional price nga lang na Php10 hanggang Php30 pero garantisadong sulit. Perfect na pang-ulam, simpleng pampapakpak lang o kaya ay pulutan basta may sawsawang toyo na pinigaan ng calamansi at saka sili. Base sa standard pricelist, nasa Php100 ang ¼ kilo na order nito habang nasa Php200 ang kalahating kilo. Dagdagan mo lang ng Php50 para may ¾ kilong pigar-pigar ka na samantalang nasa Php300 naman ang isang kilo para hindi ka mabitin.

 

Photo courtesy of Marcy | (CC BY 2.0)
An Image of Dagupan’s Pigar Pigar

Gusto mo ng one-to-sawa na pigar-pigar? Punta ka lang sa Galvan Street ng lungsod tuwing gabi sapagkat dose-dosenang stalls sa kalsadang ito ay naghahain nitong “Dagupan’s original cuisine”. Orihinal sapagkat ayon sa kasaysayan, tubong Dagupan ang unang nakaisip at gumawa ng naturang recipe at ito ay walang iba kundi si Mr. Magno Ventura Cornel. Orihinal sapagkat kalat na sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ang naturang recipe, kanya-kanyang timpla, bersyon at presentasyon pero iba ang lasa at luto sa Dagupan. Ang magandang balita pa rito, sa taunang Bangus Festival, bukod sa mga street parties, Festivals of the North at ang pamosong “Kalutan ed Dalan” (Ihawan sa Daan), permanenting highlight na rin sa nasabing selebrasyon tuwing Abril ang Pigar-Pigar Festival. May paandar pang “Best Meat Chopper” at “Best Pigar-Pigar Cooking” ang okasyong ito. Tiwala ang mga organizers nito na mas maipapakilala pa sa buong mundo ang pigar-pigar na siyang katumbas ng pagyabong ng turismo sa lugar at maging ng kita ng mga masisipag na negosyante nito.

Read Also: The Rise and Fall of Food Parks

Gayunpaman, sa bawat kasikatan, meron pa ring nakalulungkot na epekto. Base kasi sa isang saliksik, patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga kalabaw sa lalawigan dahil sa patuloy na pagkatay at pagkonsumo nito. Nangangamba ang mga tiga- Philippine Carabao Center (PCC) sa lumabas na report ng Philippine Statistics Authority na mula 10, 705 noong 2011, lumobo sa 15, 395 ang bilang ng mga kinakatay na kalabaw sa taong 2016. Bumagsak sa 78, 547 mula 83, 659 ang populasyon ng ating pambansang hayop sa parehong taon. Sa kabilang banda, sinimulan na ng PCC ang cross-breeding ng naturang alagang hayop sa pamamagitan ng artificial at natural insemination kasabay ng paghigpit sa regulasyon na nagbabawal sa pagkatay ng mga babaeng kalabaw upang maresolbahan ang problema.

Sa paglipas ng panahon, maging ako man, ay tunay na nananabik sa lasa ng pigar-pigar. Sa aking pag-iikot sa Mega Manila kasi, tila wala pa akong nakita ni isang restaurant ang naghahain ng ganitong lutuin kaya sa tuwing ako’y napapagawi ng norte, ang Galvan Street ng Dagupan muna ang unang stopover para #CravingSatisfied ika nga. Sa katunayan, maging ang malalaki at kilalang restaurant dito ay hindi pahuhuli sa pagluto nito. Kaya bukod sa mga taguring nabanggit sa itaas, may “K” naman sigurong angkinin na rin ng Dagupan ang titulong “Kitchen of the North” dahil sa home-grown delicacy na ito. Tara, “mangan ti la!” (Kain tayo!)

a.k.a. Rhiko Loko, an Aspiring Vlogger
Part-time Audio-Video Editor, Freelance Writer, Ex-Radio Jock / DJ, V.O. Artist, Boy Gala and Full-time Dad, Brother and Son.

Leave a Reply