Cleared for Take Off

Pikit-matang tinalikuran ng dating GMA Reporter na si Steve Dailisan ang pagbabalita sa telebisyon para tuparin ang pangarap na magpalipad ng eroplano.

Isa ako sa mga malalapit na kaibigan ni Steve sa industriya ng pamamahayag. Naaalala ko pa nang mga panahong tila nagdadalawang-isip siya sa pag-alis sa TV news reporting. Marami siyang tanong sa sarili na sabi ko naman sa kanya’y siya lang din ang makasasagot.

Agam-agam niya noon, mahirap lisanin ang trabahong nakasanayan niya nang mahigit isang dekada – parang relasyong mahirap pakawalan. Nag-alinlangan din siyang ituloy ang flying school dahil sa laki ng kakailanganing pera. Paano nga naman siya makapagbabayad ng matrikula kung wala siyang regular na trabaho?

Gaya ko na sumugal din sa hamong mag-iba ng career path – isa lang ang naging payo ko kay Steve noon, sundin ang tinitibok ng puso.

Armado ng tapang, lakas ng loob at pananampalataya sa Maykapal, hindi nagdalawang-isip si Steve na sundin ang pangarap niya. Kaya talaga namang proud ako sa kanya na ngayo’y isa na siyang ganap na piloto. Nitong October 8, naging matagumpay ang kanyang first solo flight. Take note, una siya sa kanyang batch!

Steve Dailisan with Alpha Aviation Group’s training plane.

Aminado si Steve na marami pa siyang mga pagsubok at hamong pagdaraanan para makapagpalipad ng isang commercial flight. Pero determinado siyang mapagtagumpayan ito. Katunayan, pumukaw ng atensiyon ko ang FB post niya, “Mahirap man siyang pangarapin noon, hindi naman nangangahulugang hindi mo na siya puwedeng pagsikapang maabot ngayon.”

Alam kong miss na ng fans ang signature extro ni Steve sa TV news reporting. Huwag kayong mag-alala dahil hindi magtatagal sa loob ng eroplano n’yo na siya maririnig, “I’m your Captain Steeeeeve Dailisan, cleared for take off.”

Sa totoo lang, gaya ni Steve – huwag tayong matakot na kumalas sa mga bagay na nakagisnan o nakasanayan na. Kung hindi natin susubukan ngayon, kailan pa? Ika nga, “There’s no harm in trying.” Dahil sa pagsubok, lalo kang tatapang at kalauna’y magtatagumpay.

Muli, ang aking pagbati sa’yo Steve!

From TV news reporting, Julius Segovia finds love in the academe, teaching mass communications courses. He also continues his advocacy on entrepreneurship.

Leave a Reply