Si Bato at ang Batók, Tattoo sa Pilipinas

 

Tama bang sabihing malas ang pusa dahil sa itim ito?

Nag-trending si PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa nang kanyang sabihing mala-kriminal ang itsura ng mga may tattoo na nais mag-pulis. Ang mga tattoo ay kadalasang iniuugnay sa kapusukan ng kabataan at mga kriminal.

Read Also: The Culturally Insensitive Prenup Shoot of Coleen Garcia and Billy Crawford

Ang pahayag ni Bato ay “hugot” mula sa bilangguan kung saan ang tattoo ay may sariling kasaysayan, aesthetics, at kahulugan.

Mahalagang hamunin ang limitadong pananaw na ito dahil nagdudulot ito ng maling pag-unawa lalo na sa konteksto ng mga katutubong kultura ng Pilipinas.

Ang tattoo ay isang uri ng body ornamentation o body art na ginagawa sa pamamagitan ng pag-iinject ng tinta o pangkulay sa balat na maaaring permanent o temporary.

Ang tattoo ay maaaring decorative (palamuting walang kahulugan), symbolic (makahulugan), at pictorial (larawan ng kilalang pigura gaya ni Tweety Bird).

Read Also: Dear Isabelle Duterte, You Can Do Better Than That

Ngunit bakit napaka-negatibo ng tingin ng marami sa tattoo?

Ang pahayag ni Bato, gaya ng ibang opinyon, ay hinuhubog ng kulturang kinalakhan. Marumi at masama kung ituring ng maraming pilipino ang tattoo, mga pagtinging naimpluwensyahan ng Kristyanismo.

Sa aklat ng Leviticus 19:28, isinasaad ang pagbabawal sa mga Israelita na mag-tattoo dahil sa kaugnayan nito sa mga paganong paniniwala.

Nang manaig ang mga Kristyano sa Imperyong Romano, ang mga katutubong kultura at kaisipang hindi Kristyano (gaya ng pag-ikot ng daigdig sa araw) ay itinuring na “sa-demonyo” at itinalaga na dapat sirain. Ito ang dahilan kung bakit sa Pilipinas at Mexico na sinakop ng Katolikong Espanya, ang mga katutubong kagawian gaya ng pagtatattoo ay binansagang demonic at barbaric na dapat wakasan.

Read Also: What Maine Mendoza’s Return to ‘Eat Bulaga’ Actually Means

Matanda ang kultura ng tattoo sa Pilipinas. Ang Boxer Codex (c. 1590) ay nagpapakita ng mga larawan ng mga katutubong Pilipinong “nadadamitan ng tattoo”, ang mga “los pintados”.

Sa tala ni Esteban Rodriguez, halos buong katawan ng mga Pintados ay may tattoo at ang pinakamatapang sa kanila ang may pinakamarami nito.

Los Pintados, Boxer Codex (c. 1590)

Batók o Batek ang tawag sa tattoo ng mga taga Cordillera. Higit itong nakilala dahil kay Apo Whang-Od, ang manbatek mula sa tribong Butbut ng Buscalan, Tinglayan, Kalinga.

Read Also: The Trouble With Moira Dela Torre’s ‘Titibo-Tibo’

Nitong Pebrero 2018, si Apo Whang-od ay binigyang nominasyon ng Senado upang tumanggap ng pagkilalang “Gawad sa Manlilikha ng Bayan (GAMABA) o National Living Treasures Award.

Sa pag-aaral ni William Henry Scott, ang tattoo sa Cordillera ay nagsisilbing rite of passage (gaya ng pagtutuli), palamuti sa katawan, at higit sa lahat, pagkilala sa katapangan ng mga mandirigma gaya sa mga Head-hunters ng Kalinga.

Ang tattoo ay simbolo din ng katayuang panlipunan. Ang tattoo design na “Chaklag” ay makikita lamang sa mga “Mai’ngor” o mga natatanging tribal warriors.

Head-hunter Chaklag tattoo, Bontoc Warrior. Source: Wikimedia Commons

Ayon kay Analyn Salvador-Amores, ang mga batek ay nagsisilbing tala ng karanasan at alalaala, at nagsisilbing tanda ng pagkakakilanlang etniko ng mga katutubo.

Sa kasalukuyan, ang paglalagay ng tattoo ay nagsisilbing paraan ng self-expression. Halimbawa, ang mga peklat na dulot ng aksidente o operasyon ay nilalagyan ng tattoo upang makatulong sa self-confidence.

Ang ibang tattoo gaya ng rosaryo at mukha ni Hesus nama’y nagpapakita ng debosyon at pananampalataya.

Read Also: Saying Goodbye With a Grateful Heart

Ang pahayag ni Bato ay insensitibo at iresponsable. Ang kanyang mga pahayag bilang isang opisyal sa mass media ay nagdudulot ng maling pagkaunawa at nakabubuo ng mga steretotypes na s’yang nagpapanatili ng maling pananaw tungkol sa mga taong may tattoo.

Mali na ituring na marumi at masamang magkaroon ng tattoo; mali ring ituring na lahat ng pulis ay matatabang kotong-cops, dahil hindi sukatan ng kabutihan at kasamaan ang panlabas na kaanyuan.

 

 


Mga Sanggunian
Johnson, Frankie J. Tattooing: Mind, Body and Spirit. The Inner Essence of the Art. Sociological Viewpoints. (2007) 23: 45–61.
Krutak, Lars F. “The Tattooing Arts of Tribal Women”. Bennett & Bloom/Desert Hearts, 2007
Salvador, Analyn V. Batek: Traditional Tattoos and Identities in Contemporary Kalinga, North Luzon Philippines. Humanities Diliman (January-June 2002) 3:1, 105-142
Scott, William Henry. “Baranggay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society”.  Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1992.

Cover Photo: mga kuha mula sa Google Images

 

 

 

Dom writes for pay by day and writes for passion by night. He is a Japan major at the University of the Philippines. He’s fond of ramen and anime but not of nice people.

Leave a Reply