“Babae Kasi” : Bakit Mali Ito

Iba talaga kapag nakasanayan na. May mga bagay tayong hindi na natin masyadong pinapansin dahil naging ordinaryo na sa ating paningin. Too bad, hindi lahat ng mga nakasanayan natin ay tama. Halimbawa nito ang isang Pinoy expression na madalas nating marinig, “Babae kasi.”

Babae kasi. Never ko pa atang narinig ang expression na ito sa context na positibo. Halimbawa, nang manalo ang Olympic Weightlifter na si Hidilyn Diaz, wala ka namang narinig na, “Ang galing! Ang lakas bumuhat! Babae kasi.”

Ang expression na “Babae kasi.” ay mali dahil idinidiin nito na ang babae ay mahina. Pagbuksan mo ng pinto, paunahin mong kumain, paupuin mo sa MRT dahil babae kasi. Mahina. Hindi kayang tagalan ang stress ng byahe at gutom. Bakla ka pag sinuntok mo ang babae dahil pumatol ka sa mahina.

Read also: Bakit Hindi Magandang Tumawad

Babae kasi. Mahina. Be a gentleman daw mga lalaki. Ang konsepto ng gentleman ay binuo sa pag-iisip na ang babae ay isang damsel-in-distress. Ang classic example nito ay ang ating mga fairy tales gaya ng Cinderella at Snow White. Sa mga kwentong ito pinapakita na ang babae ay inosente, tatanga-tanga, inaalila, hindi lumalaban, at ang tanging kaligtasan ay nakasalalay sa lalaki.

False consciousness. Huwad na kamalayan. Ayon sa konseptong ito, hindi napapansin at nirerecognize ng karamihan ng kababaihan na ganito ka-mali ang turing sa kanila dahil nakondisyon sila at ang lipunan na ito ay normal. Paano?

Sa ating mga paaralan, tuwing lesson na sa pamilyang Pilipino, sa textbook activity ay makikita na may “assigned” roles na ang bawat miyembro:

Tatay, Haligi ng Tahanan, nagtatrabaho para sa pamilya, tagapag-bigay ng pera.

Nanay, Ilaw ng Tahanan, tagapag-alaga, taga-luto, tagapag-laba, taga-gawa ng lahat ng gawaing bahay.

Ang tatay ay haligi. Ang malakas na lalaki. Ang nanay ay ilaw, fragile, sensitibo, at pambahay lamang. Ito ang tinatawag na Domestication of Women. Babae ka? Sa bahay ka lang.

Read also: A Teacher’s Dilemma

Ito ang ginamit na dahilan ng mga matatanda noon kung bakit ang mga anak nilang babae ay hindi pinag-aaral. Kasi nga mabubuntis at mag-aasawa lang naman. Sayang ang investment. Babae kasi.

Kaya nga raw kung babae ka at hindi ka marunong magsaing, maglinis, maglaba, lalo na ang magpaalila, e hindi ka tunay na babae.

Alam mo yung political marriages sa history lesson nyo? Ginagamit ang babae upang lumawak ang kaharian o kaya naman hindi sila lusubin ng kaaway.

Dito makikita na ang pagpapahalaga sa babae ay nakakahon sa kakayahan nilang magbuntis at bilang mga pag-aari, property, parang alahas na pwedeng isanla, ipagpalit, at ipagyabang na parang medal at trophy—trophy girlfriend, trophy wife. Ganon.

Mas lalong tumindi ang ganitong domesticated at mahinang pagtingin sa kababaihan sa tulong ng relihiyon. Ang classic example: si Maria Clara. Ang epitome daw ng “Dalagang Pilipina”.

Read also: Pinoy Catholicism: Kultura at Pananampalataya

Si Maria Clara, ang “leading lady” sa obra maestra ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, maganda, madasalin, masunurin, mahinhin. Ginagamit s’ya laging sukatan ng pagkababae ng mga dalaga at asawa; tipong ang hawak lang ata dapat ng mga babae ay rosaryo at labada. Hindi s’ya lumaban sa mga pananamantala ni Padre Salvi. Mabuti pa si Huli, ‘di bale nang mamatay h’wag lang madungisan ang dignidad.

Babae kasi. Isang patutsada na dapat nang itapon. Dahil ito ay delikado rin para sa mga kababaihan.

Ang babaeng nabiktima ng panggagahasa o kaya pambabastos, imbes na tulungan, ay s’ya pang sinisisi. Victim blaming. Kesyo dahil daw sa damit at make-up, kaya nagagawa ng mga lalaki na mambastos ng mga babae.

Mali. Ke-may make-up o wala, naka-shorts man o pantalon, ang pambabastos ay sala ng nambastos. Si Maria Clara nga na nasa loob ng kumbento, nakabihis madre, walang make-up o seksing damit, na-rape pa rin ng pari!

Sa isyu ng pambabastos, ang babae ay ititunuturing na sex object—parausan ng pangangailangan ng laman. Ang mga model na makikita sa mga commercial ng sigarilyo, alak, at kornik, lahat ng ito ay ginagamit ang katawan ng babae upang makabenta ng produkto. Ano ba kasing konek ng kornik at ng isang babaeng naka-bikini?

Read also: The Correlation Between ‘Safe Spaces Bill’ and Make-up

Babae kasi. Dapat nating kilalanin ito bilang isang produkto ng pangmamaliit sa kakayahan ng mga kababaihan. Hindi lamang pambahay ang mga babae. Hindi sila mga pagawaan ng anak. Hindi sila mga pag-aari na pwede mong gawin ang kahit na ano pa man. Ito ay mali. Hindi makatao.

Puno ang kasaysayan ng Pilipinas ng mga halimbawa ng mga babaeng mapagpasya sa kanilang katayuan sa buhay: ang mga Babaylan, ang mga bayani at heneral na sina Gabriela Silang at Teresa Magbanua, ang martir ng Martial Law na si Liliosa Hilao, at si Bai Bibiaon Ligkayan Bigkay, the only known living woman warrior and chieftain of the Lumad people.

Ang babae ay babae kung sino s’ya. Hindi nababawasan ang pagka-babae n’ya dahil s’ya ay hindi mahinhin o hindi marunong magsaing o hindi gustong mag-asawa at magka-anak. Ang kasarian ay hindi dapat gawing sukatan ng lakas at kakayahan.

Abante, Babae!

 

Dom writes for pay by day and writes for passion by night. He is a Japan major at the University of the Philippines. He’s fond of ramen and anime but not of nice people.

2 Comments

Leave a Reply